Sa recent YouTube vlog ng isa sa mga hinahangaang aktres na si Andrea Brillantes, game na game niyang sinagot ang mga assumptions ng mga netizen sa kanya. 

Kabilang na dito ang di-umano’y pagiging suplada niya at maging ang pagiging retokada niya na madalas ipukol sa kaniya ng ilang netizens at bashers niya.

Una niyang sinagot ang isyu tungkol sa isyung siya ay isang retokada na madalas ipinupukol sa kanya ng mga bashers niya. 

Sinagot naman ito ni Andrea at sinabing hindi umano siya nagparetoke. Natural umano ang kanyang itsura mula pa noong siya ay bata pa at magpasa-hanggang ngayon. 

“Hindi po ako retokada pero thanks for thinking that. Ibig sabihin may maganda sa mukha ko para maisip niyo na retokada ako. Kung titingnan n’yo rin naman ‘yung mga baby pictures ko, kung iisipin n’yo na peke ‘yung ilong ko, pero tumubo lang itong bridge ko noong ‘Kadenang Ginto’.

“Kasi manas na manas ‘yung mukha ko dati at doon ako nagsimulang pumayat. Tsaka nagma-mature kasi talaga ang mukha,” paliwanag ni Andrea.

Sinagot din ni Andrea ang mga akusasyon na "bully" umano siya. Sa kanyang paliwanag, sinabi niya na kabaliktaran umano ang kanyang role sa "Kadenang Ginto" at kung tutuusin, siya pa umano ang na-bully noon. 

“Ako ‘yung nabu-bully lagi sa school. Lagi nilang tinatawag na higad ako, kasi nga sa kilay ko, tsaka kasi ako ‘yung pinakamaliit.


“Wala akong friends, as in pagpasok ko pa lang sa school, nursery pa lang, wala na akong friends. Hindi nila ako sinasali sa laro nila, lagi lang akong nasa corner. Ako ‘yung ganu’ng bata dati,” pahayag ng young actress.

Dahil umano sa pambu-bully na iyon, natuto na siyang umiwas sa mga tao para hindi lalong mas lumala ang sitwasyon. 

“Ang dami talagang taong nagsasabi na suplada ako. Dati kasi sobrang mahiyain ako. Kasi nga ‘di ba ako ‘yung laging hindi pinapansin, ako ‘yung laging nasa sulok lang, ako ‘yung laging binu-bully so hindi ako namamansin ng mga tao kasi feeling ko lahat sila aawayin lang ako.

“Pero ngayon winork out ko na ‘yung personality ko kasi nami-misinterpret ‘yung pagiging mahiyain ko sa pagiging maldita.

“Yung wall ko medyo bine-break ko na siya. Kahit maraming masamang tao hindi dapat ‘yun maging dahilan para baguhin mo ‘yung pagiging mabait mo,” dagdag na paliwanag pa ni Andrea.

Nilinaw din ng dalaga ang ibinabato sa kanya na wala umano siyang masyadong mga kaibigan sa showbiz industry.


“Lumaki naman talaga akong walang friends. Hindi lang kasi importante sa akin na marami akong kaibigan. Kasi nga believe it or not, alam ko alam niyo naman na maraming plastic sa showbiz,” ani Andrea.

Ibinahagi naman ng aktres na may mga kaibigan naman siya sa showbiz, kabilang na rito ang kanyang ka-love team na si Seth Fedelin. 

“Meron akong friend, si Seth, duh! Ha-hahaha! So I’m not lonely. Tsaka kasi hindi lang talaga ako ma-post na lumalabas kami kasama nito, kasama ni ganyan,” dagdag pa nito.