Hinikayat ng mga netizen ang Queen of all Media, Kris Aquino, na magpa albularyo dahil baka raw na may kumulam sa kanya. 

Iyan ang ibinahagi ng showbiz columnist na si Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel na ‘Showbiz Update’ kung saan marami raw ang nagte-text sa kaniya na sabihan na si Kris na magpa-albularyo na.

Sabi pa ni Ogie, may isang artista raw siyang nakausap na nagkwento sa kanya, sinabihan umano nito ang assistant ni Kris na bakit hindi umano magpapa- albularyo. 

Baka nga raw kasi naranasan ng aktres ang epekto ng kulam. Wala raw kasing mahanap na lunas o dahilan ng sakit nito, kaya malamang nakulam umano ang aktres, sabi pa ng artista.

“Bakit daw biglang nag-deteriorate ang katawan ni Kris, bakit daw nagkaroon ng ganoong sakit si Kris… ‘di ba,” sabi ni Ogie. 

May mga nagpapadala rin umano ng text o direct message sa kanya na hikayatin ang aktres na subuking uminom ng mga quack medicine at baka sakaling gumaling siya.

Ngunit, may nakarating din mismo kay Ogie, may nakarating sa kanya na hindi umano naniniwala si Kris sa mga faith healers o albularyo.

Matatandaang iyan din ang sinabi ng showbiz columnist na si Cristy Fermin sa kanyang radio program na ‘Cristy Ferminute’.

Hinikayat nga ni Ogie si Kris na baka pwede niyang subukin ang pagpapagamot sa mga faith healers o albularyo kung talagang hindi ma-detect ang dahilan ng kanyang sakit.

“Hindi naman natin kinukuwestyon ang kapasidad ng mga doktor, pero kung ganyang patuloy na bumababa ang kaniyang immune system, baka puwede naman nating bigyan ng konsiderasyon yung (pagpapagamot) sa mga faith healer.”


“Baka naman talagang nakukulam si Kris o nababarang… meron at meron kasing nagagalit kay Kris… pero syempre, sana naman walang gumagawa nang ganoon, kasi ang balik niyon ay sa’yo,” sey pa ni Ogie na ang tinutukoy ay ang posibleng nagpakulam kay Kristeta.

“Mareng Kris, baka naman puwede mong ikonsidera ito,” pagdidiin pa ni Ogie.

Ang suggestion na ito ay nakarating na umano kay Kris na magpatingin na ito sa albularyo, pero ayon sa source, hindi ito inentertain ng Queen of all Media.

Aware naman ang aktres na marami na ang ang nagsasabi na magpakonsulta na siya sa albularyo, ngunit sa ngayon, sa medical doctors muna siya magtitiwala. 

Patuloy pa nagpapagaling ang aktres ngayon mula sa kanyang sakit at nagbigay ng komento sa mga taong pilit pa rin pinag-uusapan 'yong hiwalayan nila ni Mel Sarmiento. 

"Sa pinagdadaanan ko ngayon, may tao bang gustong pag-usapan pa ang kaniyang paghihiwalay?" sabi ni Aquino sa post, na naglalaman din ng ilang impormasyon tungkol sa lagay ng kanyang kalusugan.

"But in order for me to be able to peacefully move on, and focus on myself and my health, BECAUSE my sons still need me, Kuya Josh has autism, and Bimb will only turn 18 in 3 years, 3 months, and 16 days, I must end this chapter," ayon kay Kris.


Samantala, nanatiling positibo at lumalaban si Kris Aquino sa kabila nang pinagdadaanang pagsubok dahil sa kanyang sakit at sa hiwalayan nila ng ex-fiancé na si Mel Sarmiento.

"Mahaba pa ang laban ko to strengthen my body and heal my broken heart... BUT from childhood I already knew, for me weakness could never be an option… especially NOW because I have kuya Josh and Bimb who still need me to love, care, and provide for them. Para sa dalawang pinakamamahal ko, hindi ako susuko," aniya.

Source: balita