Kumalat ang mugshot ni Lolo Narding, matandang inaresto dahil sa kasong pagnakaw ng 10 kilong mangga, at naabot nito ang mga artista tulad na lamang nina Rabiya Mateo, Kuya Kim Atienza, Andrea Brillantes at Ryza Cenon.

Ibinenta nya umano ang mangga sa mga namamakyaw nito sa halagang isang libong piso.

Nagsalita na sa News 5 ang pamilya na nakaalitan ni Lolo Narding at ipinagtanggol ang kanilang sarili.

Ayon sa isang babae, sila mismo ang nagtanim ng puno ng mangga at hindi ang matanda. Ang kuya niya mismo umano ang nagtanim nito at nagpalaki sa puno.

"Ito po 'yung kuya ko, s'ya po mismo yung nagtanim sir," saad ng babae.

Dagdag pa niya, balak naman niya naman umanong i-atras ang kaso kung humingi umano lang sana ito ng paumanhin sa kanila. Ngunit, hindi umano ito ginawa ni lolo Narding. 

"Sino naman po kami para hindi maawa kay tatay? pero sana man lang humingi siya ng pasensya," sabi ng babae. 

Ngayon, nakalaya na si lolo Narding at dinagsa ng maraming tulong mula sa mga netizen, artista, at lokal na pamahalaan sa kanilang lugar. 

Kamakailan, ayon sa Public Information Office ng Asingan, si Lolo Narding ay inaresto base sa ipinalabas na warrant of arrest ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) ng Asingan-San Manuel, Disyembre 20, 2021.

Batay na rin sa spot report ng Asingan PNP, hinuli si Lolo Narding kasunod ng isang manhunt operation pasado alas 5 na ng gabi, Enero 13, sa Barangay Bantog.



“Pinapitas ko yung isang puno ng manga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman yun," sabi ni Lolo Narding.

Dagdag pa niya, sinubukan niyang i-settle ang sitwasyon at nag boluntaryong bayaran na lang ang nakuhang mangga kaysa umabot pa sa korte.

"Ang gusto ko sana makipagsundo,  maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko 'yung bayad, ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo," dagdag niya.

Gayunpaman, ang korte ay may inilaang piyansa na  Php 6,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. 

Halos mangiyak-ngiyak na si Lolo Narding Floro nang makapanayam ito ng Asingan Provincial Information Office (PIO).

Ayon sa opisina, halos isang linggo ng nasa kustodiya si Lolo Narding ng Asingan PNP dahil sa kasong pagnanakaw ng 10 kilo ng mangga.


Dagdag pa ng opisina, gustong gusto na umanong umuwi ng Lolo Narding Floro sa kanila.

Sa ngayon, nanatili pa umanong nasa kustodiya ng Asingan PNP si Lolo Narding Floro.

Nag-ambag ambag naman ang mga pulis sa Asingan para mabuo ang 6,000 pesos na pang-piyansa ni Lolo Narding. 

Ngunit dahil Alert Level 3, hindi pa raw mapirmahan ang kanyang release paper. Sa ngayon, ang Asingan Police ang nangangalaga kay lolo.

Ang balitang ito ay agad kumalat sa social media at marami ang hindi nagustuhan ang nangyaring pag-aresto kay Lolo Narding.

Source: thephilippinetimes